Muling nag-presenta ng mga rekomendasyon si Vice President Leni Robredo para mapaigting pa ang ginagawang responde ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Sa kanyang public address kanina, umapela ang pangalawang pangulo sa administrasyon para ikonsidera ang mga mungkahi at suhestyon na nakabatay din naman sa obserbasyon ng mga eksperto.
“Kung handa tayong makinig sa iba’t ibang mungkahi, at kung magiging bukas tayo sa iba’t ibang ideya, tiyak ko, marami pang maipapatupad na polisiya at programa na makakabuti sa lahat.”
Limang punto ang binanggit ng bise presidente na dapat umanong paigtingin ng gobyerno. Una, ang pagbuo ng spesiko, napapanahon at kayang maabot na mga target.
Maaari raw pagbasehan dito ng pamahalaan ang resulta ng pag-aaral sa Lancet journal, kung saan 19 na bansa ang matagumpay na nakontrol ang pagkalat ng coronavirus.
Ayon kay VP Leni, makabubuti kung ngayon pa lang ay may goal na ang gobyerno sa pagtatapos ng Oktubre.
“Ang mga bansang nasa “successfully suppressed” category, ay nagtatala lang ng hindi hihigit sa 5 new cases at 0 deaths per day sa bawat isang milyong katao, at mahigit 20 tests ang nagagawa bago magkaroon ng bagong kaso.”
Sumentro naman sa apelang tulong para sa local government units, maliliit na negosyo at nawalan ng trabaho dahil sa pandemya ang mga sumunod na mungkahi ni Robredo.
Ayon sa kanya, dapat dagdagan pa ang P1.5-billion na pondo para sa mga LGU sa ilalim ng batas na Bayanihan 2. Pwede rin umanong paghambingin ang sitwasyon ng mga lokal na pamahalaan kung hindi kayang taasan ang alokasyon sa kanila.
Magbibigay daan daw kasi sana ang tulong sa LGUs para masuportahan din ang healthcare workers.
Ang maliliit na negosyo naman, makabubuti umano kung bibigyan din ng direktang tulong pinansyal bukod sa mga inilatag na loan programs.
Makakatulong din umano sa pagbangon ng ekonomiya kung tutulungang maghanap ng hanapbuhay ang mga nawalan ng trabaho.
Nanawagan si Robredo ng suporta sa mga inisyatibo ng kanyang tanggapan para sa mga naghahanap ng trabaho at maliliit na negosyo.
“Bukas na bukas kami na makipagtulungan sa pambansang pamahalaan, o sa kahit sino man, para palakasin ang mga platforms tulad ng Sikap.PH at Iskaparate.com.”
Panghuli sa mungkahi ng bise presidente ang maagang paglalatag ng plano para sa distribusyon ng inaasahang bakuna laban sa COVID-19. Nais niyang masiguro na madadagdagan ang inilaang pondo sa pagbili ng bakuna para sa pantay na distribusyon sa mga Pilipino.
Nilinaw ni Robredo na nais lang niyang tulungan ang pamahalaan sa ginagawa nitong responde ngayong pandemya, kaya sana raw ay isantabi ng mga opisyal ang pulitika.
Kamakailan nang magpalitan sina Robredo at Pangulong Duterte ng mga pahayag dahil sa pandemic response ng gobyerno.
“Gusto lang naming tumulong. Ayaw naming mabigo ang gobyerno, dahil kapag nabigo ang gobyerno, tayong mga Pilipino ang magdurusa, tayong mga Pilipino ang magkakasakit at mamamatay. Malaki ang problema, kaya dapat lahat tayo may puwedeng i-ambag. Hindi ito panahon para ipagdiinan ang hidwaang Administrasyon o Oposisyon. Sa panahong ito, ang mahalaga, Pilipino tayong lahat.”