KALIBO, Aklan – Naniniwala ang Makabayan bloc sa Kamara na may nais gawing reporma si Vice President Leni Robredo sa kampanya laban sa iligal na droga kaya’t kanyang tinanggap ang hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ayon kay Rep. Ariel Casilao, nirerespeto nila ang naging pasya ng bise presidente ngunit mahihirapan ito dahil ang pamumunuang konseho ay nawalan na ng kredibilidad at integridad.
Patunay aniya dito ang ilang PNP personnel na nasangkot sa drug syndicates, hindi bumaba ang supply ng droga sa bansa at libu-libo ang napatay sa drug war.
Iginiit ni Casilao na nabigo ang presidente sa kanyang pangako na masugpo ang iligal na droga sa bansa kaya’t kanyang ipinasa kay Robredo ang obligasyon upang ito naman ang mapahiya sa taongbayan.