Kung si Vice President Leni Robredo ang tatanungin, hindi umano kasalanan nina Sen. Francis Pangilinan at Quezon City Rep. Christopher “Kit” Belmonte ang pagkatalo ng mga kandidato ng Liberal Party (LP) noong May 2019 midterm elections.
Magugunitang nagbitiw sina Pangilinan at Belmonte bilang presidente at secretary-general ng LP, ayon sa pagkakasunod-sunod, matapos na bigong makapasok ang mga pambato ng Otso Diretso sa “Magic 12” ng senatorial race.
Ayon kay Robredo, ang hakbang na ito nina Pangilinan at Belmonte ay isa umanong marangal na paraan sa pagtanggap ng kanilang responsibilidad para sa pagkabigo ng lahat ng walong pambato ng opposition slate.
“Hindi nila kasalanan. Hindi nila kasalanan. Puwedeng maraming pagkukulang, pero hindi siya kasalanan noong dalawa,” anang bise presidente.
“Ano iyon, very noble way of accepting responsibility, pero sinabi ko din sa kanila na kung ako lang magdedesisyon, hindi ko siya tatanggapin,” dagdag nito.
“Kasi ito iyong panahon na kailangan mas magkaisa kami, at marami pang laban na haharapin.”
Tingin din ng pangalawang pangulo, hindi raw nila maituturing bilang “total loss” ang 2019 senatorial polls.
“Hindi ko siya nire-regard na total loss, kasi if at all, we were able to unite many forces na dati hindi united. So it is worth….fighting for, still, hindi lang for the elections, pero for many other issues that will face us,” ani Robredo.
Sa usapin naman ng papalit kay Pangilinan bilang pangulo ng LP, pag-uusapan pa lamang daw ito sa isang national executive council meeting sa bisperas ng State of the Nation Address (SONA).
“Ang scheduled na NECO namin is before the SONA, so pag-uusapan siya before the SONA. Pero nagkaroon kami ng informal gathering last week. Parang iyong sentiment ng halos lahat na members, huwag payagang mag-resign,” ani Robredo.
“Iyong sa kaniya kasi, hindi naman niya sinasabi na ayaw niya ng posisyon. Ang sinasabi niya lang, ina-accept niya iyong responsibility doon sa pagkatalo ng Otso Diretso.”