Kalayaan din ang sentro ng mensahe ni Vice Pres. Leni Robredo para sa paggunita ng Araw ng mga Bayani ngayong taon.
Sa kanyang mensahe, kinilala ng bise presidente ang sakripisyo at kadakilaan ng mga bayani na lumaban para sa demokrasya at kalaayaan ng bansa.
“Sa araw na ito, ginugunita natin ang kagitingan ng mga bayaning nag-alay ng kanilang buhay upang makamtan ang tinatamasa nating kalayaan.”
“Mataimtim ang pagkilala natin sa ating mga bayani; naglalaan tayo ng mga araw upang ipagdiwang at sariwain ang naging buhay nila. Ngunit ngayong araw, walang iisang bayani ang iniaangat natin sa iba. Tanyag man o hindi, may mukha man o wala, taas-noo nating binibigyang-pugay ang lahat ng mga bayaning nag-ambag para sa ating bayang malaya. “
Para kay Robredo, walang bayani ang nakaka-angat sa kapwa dahil pare-parehong silang naging instrumento para makamit ang kalayaan sa bansa.
Nagpaalala rin ito sa bawat Pilipino manatiling matatag sa gitna ng mga pagsubok na nais tumibag sa demokrasya ng Pilipinas.
“Bago natin sila tinaguriang mga bayani, sila ay mga ordinaryong mamamayan tulad natin—mga makabayang Pilipino na nagpasyang tumindig kung kailan pinakakailangan, sa pinakamahahalagang yugto ng ating kasaysayan. Magsilbing paalala sana ang araw na ito na walang iisang bayani ang makapagsasalba sa atin mula sa ating kinalalagyan. Wala sa kamay ng iisang tao ang solusyon sa lahat ng ating mga suliranin, at walang iisang pinuno ang makapagbibigay sa atin ng mas magandang bukas.”
“Gaya ng paulit-ulit nang itinuro ng ating kasaysayan, magiging totoo at makabuluhan lang ang ating pag-unlad at kalayaan kung magpapaka-bayani ang bawat isa at sa ating pagbabayanihan. Pilipino ang bayani ng kapwa Pilipino. Ikaw ang bayani ng iyong kapwa, at may kakayahan kang makagawa ng makabuluhang pagbabago sa iyong bayan at sa buhay ng iyong kapwa tao.”
Responsibilidad umano ng mga nasa kasalukuyan na ituloy ang iniwang pamana ng mga nagsakripisyong bayani ng nakaraan.
“Sa panahon kung kailan maraming banta sa ating demokrasya at soberenya, patuloy sana tayong manindigan para sa mga kalayaan at mga karapatang ipinaglaban ng mga nauna na sa atin. Panahon na upang tayo naman ang magpatuloy nito. Muli, isang mainit na pagbati, at mabuhay ang makabagong bayaning Pilipino.”