-- Advertisements --

Umaasa si Vice President Leni Robredo na maibabasura na sa lalong madaling panahon ang inihaing electoral protest laban sa kanya ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Reaksyon ito ni Robredo sa ginawang recount ng Presidential Electoral Tribunal (PET) kung saan tumaas pa ng 15,000 ang kanyang boto sa sa tatlong pilot provinces na napili ni Marcos, partikular sa Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.

Ayon sa pangalawang pangulo, ikinagagalak nila ang resulta ng recount na nagpapakita raw ng totoong nangyari sa bilangan.

“Kami po natutuwa na nilabas na iyong resulta noong recount kasi ito naman iyong pinagtatalunan, ‘di ba? Iyong pinagtatalunan, pinapalabas na talo kami sa recount, pinapalabas ang kung ano-anong kasinungalingan. The fact na nilabas na ito ng PET, nilabas na ito ng Supreme Court, masaya kami na napakita ano ba talaga iyong nangyari,” wika ni Robredo.

“Kaya ngayon na nilabas na iyong resulta ng recount, inaasahan namin na very soon idi-dismiss na iyong protesta,” dagdag nito.

Mula sa dating mahigit 263,000 ay umakyat pa sa mahigit 278,000 na boto ang lamang ni Robredo kay Marcos.

Bunsod nito, nakasaad sa dissenting opinion nina Supreme Court Acting Chief Justcie Antonio Carpio at Associate Justice Benjamin Caguiao na dapat nang ipatupad ang itinatakda ng Section 65 ng PET rules.

Sa naturang panuntunan, kapag nabigo ang nagpo-protesta na makalamang sa pinili niyang tatlong pilot areas ay dapat nang ibasura ng PET ang election protest.