-- Advertisements --

Sa Lunes isisiwalat na ni Vice Pres. Leni Robredo ang kanyang report kaugnay ng mga nadiskbure sa war on drugs campaign ng gobyerno bilang drug czar sa loob ng higit dalawang linggo.

Ayon kay Robredo, hihintayin lang niya na matapos ang Southeast Asian (SEA) Games bago ilatag ang mga impormasyon at rekomendasyon kaugnay ng drug war.

“Yung ulat hinihintay lang natin matapos ‘yong SEA Games, matatapos siya on Thursday, pero nasa Basilan at Marawi kasi ako so probably sa Monday gagawin dahil wala ako the rest of the week,” ani Robredo.

Nilinaw ng bise presidente na walang dapat ikabahala ang publiko, lalo na ang administrasyon hinggil sa kanyang report.

“Walang dapat matakot. Medyo nakakatawa nga na parang ‘yung anticipation nananakot ako. Wala naman tayong tinatakot,” dagdag ng vice president.

Kabilang umano sa mga laman ng report ang “gaps” na kanyang nakita sa drug war at ilan pang suhestyon para mapabuti ito.

“‘Yung sa atin lang, mas rekomendasyon para ipakita ko naman na hindi ko sinayang ‘yung 18 days na binigay sa akin. Nakita n’yo naman kung papaano ako nagtrabaho.”

Kung maaalala, sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte si Robredo matapos ang higit dalawang linggong panunungkulan bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) dahil sa iba’t-ibang alegasyon.