-- Advertisements --

MANILA – Binigyang diin ng tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo na sa ngayon, wala pa sa mga prayoridad ng pangalawang pangulo ang pagtakbo sa 2022 national elections.

“Kailangan siguro siya ang kausapin niyo diyan pero sa kaniyang mga pahayag nitong mga nakaraang linggo, malinaw na ang kaniyang tutok pa rin hanggang ngayon ay itong ating problema sa COVID,” ani Atty. Barry Gutierrez sa interview ng DZRH.

Ang pahayag ng Office of the Vice President ay bunsod ng banat ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi.

Sa gitna kasi ng issue sa Visiting Forces Agreement ng Pilipinas at Amerika, sinabi ni Duterte na hindi kwalipikadong tumakbo sa pagka-pangulo si Robredo.

“How can you say extortion, napakaraming utang ng Amerikano sa atin, hindi pa tayo nabayaran. Tapos sabihin mo extortion. Kinakabahan ako if by chance mapresidente ka… If by unfortunate chance you become the President, please study more,” ani Duterte.

Pero handa na nga ba ang bise presidente na umakyat sa pinaka-mataas na posisyon ng gobyerno? Ayon kay Gutierrez, patunay ang naging responde ni Robredo sa pandemya para masabing handa na itong maging pangulo.

“Kitang kita naman natin: noong panahon na mabagal ang takbo ng ilang programa ng ating pamahalaan patungkol dito sa COVID-19, si VP Leni ang kumilos. Noong kulang ang mga PPEs para sa ating mga ospital, walang budget ang kaniyang opisina, siya ang lumapit sa private sector at nakapag-raise ng mahigit P60 million para mag-distribute ng almost half a million na PPEs sa mga iba’t ibang mga ospital.”

“Kung kahandaan lang ang pinag-uusapan, tingin ko naman klaro ang kakayahan ni VP Leni.”

Sa kabila nito, nilinaw ng Vice Presidential spokesperson, na nananatiling prayoridad ni Robredo ang pandemya. Lalo na’t sinabi ng Department of Health na baka abutin ng 2023 ang health crisis sa bansa.

Tiyak naman daw na mag-aanunsyo si VP Leni ng desisyon tungkol sa halalan sa tamang panahon.

“Sa tamang panahon, magkakaroon ng malinaw na desisyon ang ating Bise Presidente sa usaping iyan dahil kahit kailan naman hindi siya tumanggi ng ano mang hamon sa public service na kaniyang hinarap.”