Kinilala ni Vice Pres. Leni Robredo ang paninindigan ng mga Pilipino laban sa mga mananakop at mapang-abusong rehimen kasabay ng paggunita sa ika-77 taong anibersaryo ng Araw ng Kagitingan.
Sa kanyang mensahe, hinimok ng pangalawang pangulo ang publiko na isabuhay ang pagiging matapang para sa bansa.
“Sa kasaysayan, paulit-ulit nang napatunayan ng Pinoy ang paninindigan para sa bayan—laban man sa mananakop o mapang-abusong rehimen,” ani Robredo.
“Ang Pilipinas ay duyan ng magigiting, at dapat araw-araw natin iyang isabuhay. Mabuhay ang katapangan ng Pilipino!”
Nitong umaga nang dumalo sa commemoration ceremony sa Mt. Samat National Shrine sa Bataan si Robredo kasama ang ilang opisyal mula sa ehekutibo at DILG Sec. Eduardo Ano na siyang tumayo bilang representative ni Pangulong Rodrigo Duterte na dadalo sa hiwalay na aktibidad sa Sulu.
“Patunay ang magiting na pagtanggol sa Bataan at Corregidor na ang Pilipino ay handang lumaban, hanggang sa huli. Kahit pa kamatayan ang maaaring maging kapalit ng ating paninindigan, handa nating ialay ang ating mga buhay sa ngalan ng ating bayan at kalayaan,” sa kanyang talumpati sa Mt. Samat.
Kinilala rin ni Robredo ang mga sundalo ng kasalukuyang panahon dahil sa kanilang tapang para protektahan ang taong bayan at bansa.
“Kinakatawan ng ating mga mahal na sundalo ang mga katangiang ito—sa kanilang pagpapamalas ng natatanging tapang, dedikasyon, at pagmamahal sa bayan. Kaya taon-taon, nagtitipon tayo sa araw na ito, upang magpasalamat sa inyong serbisyo, lalo na sa ating mga beterano. Pagsaludo ito sa lahat ng beses na nanatili kayong nakatindig laban sa mga nagbanta ng dahas at kadiliman. Ngayong araw, sa pagkilala sa inyong naging sakripisyo sa isang madilim na kahapon sa ating kasaysayan, binibigyan niyo ng inspirasyon ang bawat Pilipino na isapuso ang tunay na kabuluhan ng kagitingan.”
“Tulad ng isang katagang binigkas ng isa sa magigiting na anak ng ating bayan, ‘Bataan has fallen, but the spirit that made it stand—a beacon to all the liberty-loving peoples of the world—cannot fall!'”
Sa makasaysayang isla ng Corregidor naman, nagkaroon din ng pag-aalay ng bulaklak ang nasa 200 war veteran sa pangunguna ni Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat.