MANILA – Dismayado si Vice President Leni Robredo sa ulat na itinaboy ng mga barko ng China ang grupo ng mga Pilipinong mamamahayag na naglayag kahapon sa West Philippine Sea.
“Parang nakakaano siya… Very heartbreaking,” ani Robredo sa interview ng ANC.
Nababahala ang bise presidente sa kilos ng pwersa ng Beijing, kahit nasa loob sila ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Nitong Huwebes nang mapaulat ang pagtaboy ng mga barko ng China sa news team ng ABS-CBN na papunta sana sa istasyon ng Armed Forces of the Philippines malapit sa Ayungin Shoal.
Ilang sasakyang pandagat pa, na may lulan na missile, ang namataang sumusunod sa grupo ng mga Pilipinong mamamahayag.
“I was watching the video… Hindi ko alam kung anong maramdaman ko, Karen, eh. Kasi ‘di ba it was just a few miles out of Palawan, it was within our Exclusive Economic Zone, and yet tayong mga Pilipino iyong tinataboy,” ani VP Leni.
“Iyong takot na dinadala ng mga mangingisda natin every day of their lives, when this is an area where they have every right to fish, tapos tinataboy sila nang ganoon.”
Bagamat kampante si Robredo sa matapang na pahayag ng ilang matataas na opisyal, tulad ni Foreign Affairs Sec. Teddy Locsin Jr. at Defense Sec. Delfin Lorenzana, naniniwala siya na kaya pa ng Pilipinas na ipaglaban ang inaagaw na teritoryo.
“One of the things that we could have done since 2016, Karen, was to use the decision of the arbitration… the ruling to team up with all the other neighboring countries who are going through the same struggles, ‘di ba?”
Ang binabanggit na ruling ni Robredo ay ang hatol ng Permanent Court of Arbitration noong 2016 kung saan kinilala ang sovereign rights ng Pilipinas sa mga inaagaw na teritoryo ng China sa West Philippine Sea.
Kabilang na rito ang ilang isla at malaking bahagi ng karagatan, na pinaniniwalaang mayaman sa mga likas na yaman tulad ng langis.
Bukod sa China, nakiki-agaw din noon ang ibang bansa tulad ng Vietnam, Malaysia, Taiwan, at Brunei Darussalam.
“To use the ruling to be able to have a stronger position. Parati kasi nating sinasabi na, “Hindi natin sila kaya kasi maliit lang tayo.” Pero Karen, kapag nagsama-sama tayong lahat, mas malakas tayo.”
“And I think it’s one of the areas where we have not— It’s an advantage— It’s an opportunity we have not taken advantage of, we have not maximized.”
Una nang sinabi ni Locsin aaraw-arawin nila ang paghahain ng diplomatic protest sa China hanggang umalis ang mga barko nito sa karagatan ng Pilipinas.
Kamakailan naman nang punahin ni Lorenzana ang presensya ng Chinese military at sabihin na kailangan na nilang umalis sa lugar.
Kung maaalala, isa sa ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong tumakbo siya sa pagka-presidente ay ang pagje-jetski sa West Philippine Sea para itaboy ang pwersa ng China.