-- Advertisements --

MANILA – Umapela si Vice President Leni Robredo sa mga kapwa opisyal ng gobyerno na respetuhin ang priority list ng COVID-19 vaccination program.

Pahayag ito ng pangalawang pangulo matapos mapaulat na may ilang government officials ang naturukan na ng bakuna, kahit healthcare workers ang una sa listahan.

“Mas maigi talaga maghintay, mas maiging maghintay kung kailan tayo prioritized, kasi mayroon ngang mga essential workers na mas grabe iyong exposure sa atin, kaya dapat sinusunod iyon,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.

Kung maalala, maraming kumwestyon sa pagpapaturok ng ilang opisyal sa Sinovac vaccine nitong linggo kahit hindi sila binigyan ng authorization ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG).

Kabilang na rito sina Interior Usec. Jonathan Malaya, MMDA chief of staff Michael Salalim, at Quezon Rep. Helen Tan, na isang doktor.

Kaugnay nito nagbabala ang World Health Organization na baka maapektuhan ang shipment sa Pilipinas ng iba pang bakunang manggagaling sa kanilang COVAX facility, kung hindi susundin ang priority list.

“Siyempre iyong priority, Ka Ely, number one iyong healthcare workers, lalo na iyong may exposure talaga sa COVID patients. Tapos maliban sa healthcare workers, iyong mga compromised na tao. Gustong sabihin, mayroon silang mga health conditions na… sila iyong—kapag tinamaan kasi sila, may likelihood na maging severe iyong infection dahil sa existing conditions nila,” ani Robredo.

Una nang sinabi ng pangalawang pangulo na handa siyang magpaturok ng bakuna para makatulong sa pagbabalik ng kumpiyansa ng publiko sa bakuna.

Pero iginiit na depende pa rin ito sa magiging hatol ng mga eksperto, dahil mayroong priority list ang gobyerno.

Dinipensahan ng Malacanang ang pagpapabakuna nina Malaya at Salalima, at sinabing ginawa nila ito para sa mabawi ang “vaccine trust” ng mga Pilipino.

Ayon kay Vaccine czar Carlito Galvez, target nilang matapos ang pagbabakuna sa 1.7-million healthcare workers sa Abril.

Matapos nito ay babakunahan na ang senior citizens, mahihirap, uniformed personnel at natitirang populasyon ng bansa.

“Kapag nabuo natin yung 4-million (doses for healthcare workers) this coming March and early April, susunod na tung Category A2, which is senior citizens, atsaka yung general public inoculation. It may start late April or early May,” ani Galvez.