-- Advertisements --

Ikinagalak ni Vice Pres. Leni Robredo ang resulta ng 10-taong pagdinig sa kaso ng Maguindanao massacre kung saan ilang pangunahing akusado ang hinatulang guilty ngayong araw ng Quezon City Regional Trial Court – Branch 221.

Para kay Robredo, nararapat ang hatol sa ilang miyembro ng pamilya Ampatuan at pulis na nasangkot sa pagpatay sa higit 50 indibidwal, kabilang na ang 32 mamamahayag.

“Pagkatapos ng mahigit isang dekada, nagagalak tayong malaman na nakamtan na ng mga pamilya ng mga biktima ng Ampatuan Massacre ang pinakaasam nating hustisya,” ani Robredo.

“Wala tayong nakikitang mas nararapat na katapusan sa kasong ito, na tinaguriang pinakamarahas na election-related violence at pag-atake sa mga mamamahayag sa ating kasaysayan.”

Bagamat matagal bago nag-desisyon ang korte sa kaso, patunay pa rin daw na may pag-asa ang sistema ng hustisya sa Pilipinas.

“Hindi man naging madali ang proseso at mabagal man ang naging pag-usad ng kas ang hatol na ito ay nagbibigay sa atin ng pag-asa na posible pa ring makamit ang katarungan sa loob ng ating sistema ng hustisya.”

“Paalala rin ito sa atin na ang lahat ng kasalanan ay may panahon din ng pananagutan, kahit minsa’y matagal ang paghihintay. Ang batas at katarungan ay walang pinipiling pangalan, maski na ang mga nasa kapangyarihan.”

Nagpaabot naman ng kanyang pakikiisa sa pagdiriwang ng mga pamilyang naulila si Robredo, dahil sa tagumpay na kanilang nakamit laban sa mga nasa likod ng karumal-dumal na krimen.

“Mahigit sampung taon matapos ang trahedya, tila isang napakalaking tinik ang natanggal sa ating mga puso. Masalimuot man ang naging paghihintay, ngunit ngayong araw, nasa panig ng tama at matuwid ang tagumpay. Nakikiisa tayo sa mga mahal sa buhay ng mga biktima ng Ampatuan Massacre at sa buong sambayanang Pilipino sa pagdiriwang ng makasaysayang hatol na ito.”