Nakiisa rin si Vice Pres. Leni Robredo sa pagdiriwang ng ika-156 kaarawan ng bayaning si Gat Andres Bonifacio.
Sa kanyang mensahe ginunita ni Robredo ang mga pinagdaanang hirap ni Bonifaco na nagmulat at nagtulak sa kanya para magsumikap.
“Ang kinagisnan niyang buhay sa kahirapan ang nagmulat kay Bonifacio sa tunay na kalagayan ng Inang Bayan.”
“Ito rin ang nagtulak sa kanya upang patuloy na magsumikap hindi lang para maiangat ang kanyang pamumuhay, kundi para makapagsimula ng makabuluhang pagbabago sa buhay ng kanyang kapwa. Hindi kalaunan, pinangunahan ng laking-Tondo ang isa sa pinakamahahalagang rebolusyon para sa ating kalayaan.”
Hindi umano ito nalalayo sa sitwasyon ng bawat Pilipino ngayon na nakikipag-laban din sa iba’t-ibang hirap ng buhay.
Gaya ng krimen, kahirapan, iligal na droga, katiwalian sa pamahalaan at paglaban para sa karapatan.
“Mahigit isang siglo matapos ang pakikidigma ni Bonifacio at ng Katipunan, patuloy tayong nahaharap sa matitinding mga laban–laban sa kahirapan, kawalang-katarungan, at hindi pagkakapantay-pantay; laban sa krimen at iligal na droga; laban sa katiwalian sa pamahalaan; at laban sa pagsupil sa ating mga karapatan.”
“Sa gitna ng ating makabagong panahon at ang dala nitong makabagong mga pagsubok, ang parehong tapang at sigasig na ipinamalas ni Bonifacio ang inaasahan sa bawat isa atin, higit lalo na sa mga namumuno sa ating bayan–tapang na protektahan ang ating pambansang kasarinlan; tapang na gampanan ang ating sinumpaang tungkulin at tuparin ang mga ipinangako natin sa taumbayan; at tapang na unahin ang kapakanan ng bayan kaysa sa pansariling interes.”
Hinimok ni Robredo ang sambayanan na tularan ang tapang na ipinamalas ni Bonifacio na siyang susi para mapagtagumpayan din ang mga pagsubok ng bagong panahon.
Magsilbi rin daw sanang inspirasyon ang buhay ni Bonifacio sa lahat ng antas ng lipunan para manindigan ang bawat isa sa paggawa ng kabutihan at lumaban para sa katotohanan.
“Anuman ang ating posisyon o kinalalagyan, magsilbing inspirasyon sana ang buhay at kabayanihan ni Andres Bonifacio upang harapin natin ang pinakamalalaking mga hamon ng ating panahon nang buong tapang at buong puso, sa kabila ng mga pagsubok na patuloy na ibinabato sa atin.”
“Patunay siya na ang pagiging tunay na makabayan ay nasasalamin sa ating pagtindig sa tama at mabuti, lalo na sa panahong pinakakailangan.”