Susubukan umano ni Vice Pres. Leni Robredo na isulong sa Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) na ikonsidera ang pagbubukas ng pinto sa human rights at independent bodies para makisali sa pagpapatupad ng kampanya kontra iligal na droga ng gobyerno.
“Ako, isa iyon sa mga magiging panukala ko. Pero iyong sa akin, parating hindi pagfi-fingerpoint. Iyong sa akin, mayroong cluster na is in charge of that. We’ll just make sure na iyong lahat na nagkasala will be put to justice. Iyong lahat na naging biktima will get justice. Pero iyong sa akin mas tinitingnan ko moving forward na hindi na mangyari ulit.”
Kung maaalala napukaw ang ibang bansa nang gumawa ng ingay ang serye ng patayan sa Pilipinas kaugnay ng war on drugs campaign.
Naging hudyat ito para makumbinse ang United Nations Human Rights Council at iba pang human rights group na isulong ang pagsilip sa kontrobersyal na kampanya.
Bagay na hindi ikinatuwa ng pangulo at mga kaalyado na nag-hudyat din para kumalas ang Piliipinas bilang miyembro ng Rome Statute ng International Criminal Court.
Para kay Robredo, pagkakataon na para makita ng pamahalaan ang kahalagahan na magkaroon ng koneksyon ang ICAD sa pribadong sektor bilang itinuturing na laban ng buong bansa ang kampanya kontra illegal drugs.
“Sa akin, tingin ko makakatulong sa campaign kapag i-broaden sana iyong membership ng ICAD to include private sector. Hindi lang iyong lahat gobyerno iyong nag-uusap, kasi paminsan kapag lahat gobyerno, may tendency na, alam mo iyon, parang magsarili nang hindi nabibigyan ng boses iyong iba.”
“Ako, iyong isa sa mga panukala ko, i-broaden iyong membership to include iyong mga private organizations saka advocates saka faith-based organizations na who have been working on the anti-drug campaign for so long. Kasi tingin ko iyong pinaka-mensahe nito, laban natin ito lahat, so dapat pagtulungan natin.”