-- Advertisements --

MANILA – Nagpasalamat si Vice Presidential spokesperson Barry Gutierrez sa mga taga-suporta ni VP Leni Robredo, kasunod ng pagbasura ng Supreme Court sa electoral protest ni dating Sen. Bongbong Marcos.

“Thank you everyone for your courage, faith, and unflagging support for our — THE — Vice President. #LeniRealVP,” ani Gutierrez sa isang online post.

Dagdag pa ng opisyal, kahit papaano ay makakahinga na siya ng maluwag matapos ang higit apat na taong laban ng Office of the Vice President sa protesta ng natalong si Marcos.

“After a tense morning (or was it four and a half years?), I can breathe a bit easier.”

Sa isang larawan na ipinost ng isa sa mga staff ng OVP, makikitang kasama ni Robredo ang mga empleyado ng kanyang opisina na nanood ng anunsyo ng Supreme Court sa desisyon ng Presidential Electoral Tribunal (PET).

Kung maaalala, natalo ng 246,473 votes si Marcos kay Robredo noong 2016 elections. Ito ang naging hudyat ng paghahain ng dating senador ng electoral protest sa PET.

Matapos ang recount na ginawa sa mga balota ng tatlong pilot provinces na pinili ng dating senador, lumabas na nadagdagan pa ang lead o agwat ng lamang ni Robredo ng 15,000 votes.

Kabilang sa pilot provinces ang Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.

Mamayang alas-6:00 ng gabi haharap sa isang press conference si VP Leni para ihayag ang kanyang official statement.