Tinanggap na ni Vice President Leni Robredo ang alok ng Pangulong Rodrigo Duterte na maging co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Aminado si Robredo na marami siyang natanggap na babala ukol sa pagiging trap umano ng alok ng presidente.
Pero balewala umano ito dahil tapat ang kanyang pakikiisa sa pamahalaan para tuluyang matuldukan ang illegal drug trade sa Pilipinas.
“Maraming nagpahayag ng pangamba na hindi sinsero ang alok, na ito ay isang trap na ang habol lang ay siraan at pahiyain ako. Maraming nagpayo na dapat kong tanggihan ang alok dahil pagpasa lang ito sa akin ng responsibilidad para sa mga kabiguan ng drug war. Maraming nagsasabi na naghahanap lang ng damay ang administrasyong ito,” ani Robredo.
Iginiit din ng bise presidente na kailanman ay hind siya humingi ng posisyon sa Palasyo, at tanging hiling lang niya ay maayos na pagpapatupad ng kampanya.
“Hindi naman ako nagpahayag ng aking mga puna sa drug war dahil naghahabol ako ng puwesto. Hindi ko hiniling ito. Sa Pangulo nanggaling ang ideyang ito.”
“Pero sa dulo, ang pinakamahalagang konsiderasyon para sa akin ay simple lang: kung ito ang pagkakataon para matigil ang patayan ng mga inosente at mapanagot ang mga kailangang managot, papasanin ko ito.”
“Kaya tinatanggap ko ang trabaho na binibigay sa akin ng Pangulo.”
Sa ngayon, target ni Robredo na tutukan ang pagtugis sa malalaking drug lord na itinuturing niyang puno’t dulo ng patuloy na kalakalan ng iligal na droga sa bansa.
Kung maaalala, naudyok ang pangulo na italaga si Robredo sa posisyon dahil sa patuloy na pagpuna ng bise sa aniya’y marahas na pagpapatupad ng war on drugs campaign.