Minaliit lang ng mga kinasuhan ng sedition ang kanilang kinakaharap na kasong nakabase sa testimonya ni Joemel Peter Advincula alyas Bikoy.
Sa kampo ni Vice President Leni Robredo, sinabi ni Atty. Barry Gutierrez na harassment lamang ang intensyon ng reklamo at walang basehan.
Giit ni Gutierrez, walang kinalaman ang pangalawang pangulo sa “Ang Totoong Narcolist” videos o sa anumang pagtatangkang patalsikin ang punong ehekutibo.
Sinabi naman ni Atty. Chel Diokno na sanay na siya sa mga ganitong estilo ng pang-aapi at haharapin niya ito, kasama ng iba pang inaakusahan.
“Luto ang kasong ito. Sabik na sabik ata ang administrasyon na ikulong kami, kahit walang basehan o ebidensiya. Bilang abogado para sa mahihirap, sanay na ako sa ganitong pangaapi. Tuloy ang laban natin para sa hustisya,” wika ni Diokno.
Plain harassment naman kung ituring ni Liberal Party (LP) president Sen. Kiko Pangilinan ang nasabing kaso, lalo’t maging ang nakapiit na si Sen. Leila de Lima ay kinakaladkad sa kontrobersiya.
“Political harassment at persecution ang ginawang pagsampa ng kaso ng sedition, inciting to sedition, at kung anu-ano pa kina Vice President Leni Robredo at sa ating mga kaalyado sa Senado at sa mga kandidato natin sa Otso Diretso, at maging sa mga sumuporta sa ating mga taong-simbahan. Gawa-gawa, kasinungalingan, at walang basehan sa katotohanan ang mga paratang. Ginagawa ito ng mga kalaban ng demokrasya dahil si VP na lang ang nakaharang sa kanilang hangarin na ituloy ang patayan sa huwad na war on drugs nang walang nananagot, ang pagbenta ng Pilipinas sa China, at ang panghabambuhay na paghahari-harian nila sa bansa,” pahayag ni Pangilinan.