Hindi kumbinsido si Vice Pres. Leni Robredo sa sinseridad ng alok ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan sya ng anim na buwang kapangyarihan para maniobrahan ang kampanya ng gobyerno kontra iligal na droga.
Ayon kay Robredo, wala siyang nakikitang rason para seryosohin ang pahayag ng pangulo dahil hindi naman daw malinaw kung tapat ang chief executive sa hamon nito.
“Ako kasi, ayaw kong sagutin muna iyon kasi hindi ko alam kung gaano kaseryoso. Pero iyong sa akin lang, iyong mga mahahalaga at mga importanteng mga problema ng ating bansa, hindi naman dinadaan sa pagkapikon, hindi naman dinadaan sa pang-iinsulto. Mahirap na papatulan ko, kasi hahaba lang iyong usapan. Iyong sa akin, parating solusyon iyong hinahanap natin,” ani Robredo sa isang event sa Iloilo.
Para sa bise presidente, hindi dapat dinadaan sa pagkapikon at pang-iinsulto ang ano mang mungkahing solusyon sa mga problema ng bansa gaya na lang sa usapin ng iligal na droga.
“Sa dami ng gagawin, kailangan matutunan ko i-focus kung ano iyong mga mahahalaga. Hindi ako puwedeng ma-distract from the work that I am doing, kasi less than three years na lang ang natitira sa akin. Mas maraming mahahalagang bagay na kailangang pagtuonan ng pansin. Iyong paniniwala ko, kaming mga… kaming mga naninilbihan sa taumbayan, walang space para sa aming ego, walang space para sa emosyon, walang space para sa pagkapikon, kasi hindi namin magagampanan nang maayos iyong aming trabaho.”
Kung maalala, nabatikos kamakailan si Robredo matapos umano nitong sabihin na bigo ang administrasyon sa war on drugs campaign nito.
Pero agad din itong nagpaliwanag at sinabing nagmungkahi lang siya na ikonsidera ng pamahalaan ang paghihinay-hinay at assessment sa implementasyon ng kontrobersyal na kampanya.
Sa ngayon, nais na lang daw ni Robredo na pagtuunan ng pansin ang natitira niyang tatlong taon sa termino para makapaglingkod sa mga Pilipino.