-- Advertisements --

MANILA – Kinalampag ni Vice President Leni Robredo ang pamahalaan na maging transparent o tapat sa pangakong prioritization ng pagbabakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19).

“Wala pa ngang bakuna na available, iyon nga iyong nakakadagdag sa pag-aalala ng ating mga kababayan kung kailan darating, pero may espesyal na nabakunahan na,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.

Pahayag ito ng bise presidente matapos aminin ng Presidential Security Group (PSG) na naturukan na ng bakuna ang ilan sa kanilang mga uniformed personnel.

Ito ay sa kabila ng pangako ng gobyerno na mauuna ang healthcare workers at mahihirap na senior citizen at komunidad na mabigyan ng COVID-19 vaccine.

Ayon kay Robredo, pinalalala lang ng insidente ang takot ng mga Pilipino sa pagbabakuna.

“Iyong hinihiling natin iyong transparency. Sana walang cover-up kasi ganoon iyong pakiramdam ngayon… Ito iyong ayaw nating mangyari kasi sa panahon na mayroong pandemya, sa panahon na kailangan iyong tiwala ng tao nasa effectivity ng pagbabakuna, hindi natin kailangan iyong kontrobersiyang ganito.”

Hanggang sa ngayon ay tikom ang bibig ng pamunuan ng PSG kung sino ang nag-donate ng vaccine supply na mula raw sa Chinese pharmaceutical company na Sinopharm.

“Papaano ba nakapasok iyong vaccine. Ang claim, Ka Ely, donated. So ang tanong, sino nagdonate? Hindi pa iyon nasasagot. Iyon iyong pinakabasic na question.”

Binigyang diin ng pangalawang pangulo ang kahalagahan na maibalik ang kumpiyansa ng publiko sa bakuna, na sinira ng kontrobersya ng Dengavaxia.

Sa ganitong paraan din daw kasi magiging matagumpay ang hinahanda nang programa para sa COVID-19 vaccination.

Tanong ni VP Leni, bakit sa kabila ng pagkilala ng publiko sa desisyon ng pangulo na isama sa prioritization ang uniformed personnel ay hindi pa rin nagawang sundin ang itinakdang listahan.

“Nag-a-agree tayo na dapat talaga i-prioritize din iyong mga uniformed personnel lalo na iyong nakapaligid sa Pangulo pero bakit hindi sinunod? Bakit hindi sinunod iyong protocols, bakit may viniolate na batas, bakit hindi sinunod iyong prioritization na ginawa ng IATF, ng DOH, ng ating vaccine czar, bakit hindi iyon sinunod?”

Ikinabahala ni Robredo ang posibilidad na marami na ring magtatangka na pumuslit ng bakuna basta’t may hawak silang perang pambili.

Kung mangyayari raw ito, mawawalan ng silbi ang mandato ng regulatory authorities na tumutukoy kung ligtas at epektibo ba ang mga gamot o bakunang gagamitin ng publiko.

“Kaya tayo may batas. Kaya tayo may regulasyon para mas maayos, mas organisado. Sinisiguro natin na walang malalagay sa alanganin.”

” Iyong overall message parang sinasabi mo na okay lang pala mag-smuggle. Okay lang mag-smuggle ng mga vaccines so kapag mayroon akong means para magpapasok okay kasi itong mga namumuno sa atin ginawa iyon. Iyon iyong, I think, Ka Ely, pinaka-delikado doon.”

Sang-ayon si Robredo sa panukalang imbestigasyon ng Senado sa insidente. Naniniwala rin siya na dapat mapanagot ang mga dawit sa paglabag ng batas.

Ayon sa Food and Drug Administration, mapanganib ang paggamit ng mga bagong health products, tulad ng bakuna, dahil hindi tiyak kung ligtas ito sa kalusugan.

Una nang sinabi ng Office of the Vice President na hindi pa natuturukan ng COVID-19 vaccine si Robredo, at walang nagtatangkang lumapit sa bise presidente para mag-alok ng bakuna.