Inilahad na ngayon ni Vice Pres. Leni Robredo ang kanyang ulat sa bayan kaugnay ng 18-araw na pag-upo noon bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Sumentro sa tatlong punto ang naging obserbasyon ni VP Leni sa kanyang ICAD post.
Una rito ang rekomendasyon na ilipat sa Dangerous Drugs Board (DDB) ang chairmanship ng ICAD; pagpuna sa naging buhos ng anti-illegal drug programs na kumubkob lang sa maliliit na drug criminals; at paggiging kalat-kalat o hindi tugmang datos na hawak ng concerned agencies.
“Kailangang tutukan ng Presidente ang bawat aspeto ng kampanya. Mas makakapagtrabaho ang ICAD kung buo ang suporta ng kanilang boss, ang Pangulo,” ani Robredo.
Para kay Robredo panahon na para baguhin ng pamahalaan ang stratehiya nito sa pagtuldok ng war on drugs, gaya ng pagpapatigil sa Oplan Tokhang.
Hindi rin daw kailangan ng ICAD ng isang co-chaiperson, gayundin na dapat si Pangulong Duterte na mismo ang umupo bilang commander in chief ng komite.
“Hindi co-chair ang kailangan ng ICAD. Kailangan ang Pangulo ang maging commander-in-chief nito. Tila nakaligtaan ang napakahalagang aspeto ng programa, ang pagtugis kung saan ba galing ang iligal na droga.”
“Lagi nating naririnig ang terminong high-profile target. Kung gusto talaga nating tapusin ang salot ng illegal na droga, ang malalaking supplier at hindi maliit na pusher ang dapat habulin.”
Kung may nakita man daw na pinaka-malaking butas si Robredo sa drug war, ito ay ang pagpapatupad ng batas na tila nabigong gawin ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Kaya kung DDB umano ang hahawak sa ICAD, tiyak na kakapit ito sa mga nakapaloob sa Philippine Drug Strategy bilang taga-balangkas ng polisiya sa mga hakbang kontra illegal drugs.