-- Advertisements --

Kabila-kabilang tira ang pinaulan ng Houston Rockets dahilan kaya naghabol sa tambol mayor ang Utah Jazz, para umabanse na sa 2-1 lead sa semifinals ng NBA Western Conference.

Nanguna sa mainit na opensa si James Harden sa pamamagitan ng kanyang 25 points at 12 assists upang tambakan ang Jazz sa score na 113-92.

Hindi pinaporma ng Rockets ang Jazz dahil sa walang humpay na tirada na liban kay Harden umeksena rin si Eric Gordon na nagbuslo ng 25 points at si Chris Paul na kumamada ng 15 points, seven rebounds at six assists.

Ito na ang pangatlong pagkakataon na pinaluhod ng Houston ang Utah sa lugar nila sa Salt Lake City ngayong season.

Mistulang natuliro ang Jazz sa ginawa ng Rockets na umatake sa iba’t ibang lugar kung saan sa pagtatapos ng halftime ay lomobo pa sa 70 puntos ang natipon ng grupo ni Harden.

Dito na tuluyang nasira ang sariling opensa ng Utah na nagkasya na lamang sa paghahabol.

Nasayang tuloy ang mga mga diskarte nina Royce O’ Neale na may 17 points, Alec Burks na tumulong sa 14 points at si Rudy Gobert na nagtapos sa 12 points at nine rebounds para sa Jazz.

Muling magtutuos ang magkaribal na team sa Game 4 sa Lunes.