Nakalusot ang Houston Rockets ng isang puntos lamang laban sa Washington Wizards sa score na 159-158.
Ito na ang ikatlong panalo ng Rockets, habang nasadlak naman sa tatlong talo ang Wizards.
Kumayod ng husto ang dating MVP na si James Harden na kumamada ng 59 big points at 9 assists para sa Rockets sa loob ng 37 minutes.
Naipasok ni Harden ang 18 sa 32 attempts, 6 of 14 sa 3-point area, at 17 of 18 free throws.
Ang dati ring MVP na si Russell Westbrook ay hindi rin nagpahuli nang iposte ang kanyang ikalawang triple-double ngayong bagong season sa pamamagitan ng 17 points, 12 assists at 10 rebounds.
Malaking bagay din ang naiambag ni Clint Capela na nagpakita ng 21 points at 12 rebounds.
Habang sa Wizards nasayang naman ang 46 points ni Bradley Beal na nagawa pang maipasok ang tatlong free throws na may 8.1 seconds ang nalalabi para itabla ang score sa 158.
Pero sa huli hawak pa rin ni Harden ang alas nang maipasok ang isa sa dalawang free throws, may 2.4 seconds ang nalalabi na siyang nagpanalo sa team.
Sa kabila naman ng pagkatalo ng Wizards, masaya pa rin si coach Scott Brooks dahil sa gumagana na raw ang team kahit marami ang baguhan.
Sa next game ng Rockets dadayo ito sa Brooklyn Nets sa Sabado.
Habang sa Linggo naman ay haharapin ng Wizards sa kanilang teritoryo ang Minnesota.