Wala umanong nararamdamang pressure ang Houston Rockets na i-trade si James Harden o Russell Westbrook, kahit na naghayag na ang dalawang superstars ng kanilang interes na makalipat na sa ibang koponan.
Nananatili raw kasi ang paninindigan ng pamunuan ng Houston na hindi ite-trade ang dalawa hangga’t walang team ang nakakatapat sa asking price.
Batay sa ilang mga impormante, handa rin daw ang Rockets na simulan ang training camp at simulan ang season na nasa roster sina Harden at Westbrook, kahit na hindi na raw natutuwa ang dalawa sa sitwasyon.
Sinasabing nagkaroon na rin daw ng diskusyon ang Rockets at Washington Wizards kaugnay sa isang deal kung saan ipapalit kay Westbrook si All-Star guard John Wall.
Pero hirit daw ng Rockets, maliban kay Wall ay dapat ding magsama ng assets ang Wizards.
Sa kabila nito, hindi naman daw naoobliga ang Houston na tuparin ang hiling ni Harden na makalipat ito sa Brooklyn Nets.
Sa kasalukuyan, sinimulan na ng Rockets ang pag-iipon ng kanilang assets na posibleng makatulong sa franchise sakaling matuloy ang paglisan ng dalawang NBA stars.