-- Advertisements --

Inamin ng Houston Rockets na mistulang nawala umano sila sa landas kaya nabigo na naman sila sa kamay ng Los Angeles Lakers sa Game 4 ng kanilang Western Conference semifinal series.

Ayon kay Rockets coach Mike D’Antoni, tila kinapos daw ng lakas ang kanyang tropa kaya natalo sa krusyal na laban.

“Just a lack of spirit,” wika ni D’Antoni. “It just seems like we got down. We lost our way a little bit.”

Sa laro, nagpakita ang Houston ng nakababahalang katamlayan kung saan nabigo silang makaiskor ng second-chance o fast-break point sa unang tatlong quarter ng laro.

Batay sa datos, ang Rockets ang kauna-unahang team na nagpamalas ng ganitong performance sa isang playoff game mula noong 1997.

Kung si Houston star James Harden naman ang tatanungin, wala na raw silang magagawa rito kundi bumawi sa Game 5.

“There’s nothing we can do about it now,” ani Harden. “We’ve just got to get ready for Game 5.”

Sa kasalukuyan, nasa bingit ang Houston na malaglag sa serye dahil hawak na ng Lakers ang 3-1 lead sa kanilang serye.