-- Advertisements --

Bumuslo ng 26 points si James Harden upang pangunahan ang Houston Rockets sa 100-93 win kontra sa Utah Jazz at isara ang kanilang first round series sa 4-1.

Nakahugot din ang Rockets kay Clint Capela na nagpakawala ng 16 points at 10 rebounds.

Ito na ang ikatlong sunod na season na nakatungtong ang Houston sa Western Conference semifinals at haharapin nila ang magwawagi sa serye naman ng Los Angeles Clippers at Golden State Warriors.

Natapyasan ni Ricky Rubio ang abanse ng Houston sa 94-93 tampok ang kanyang jump shot sa huling minuto.

Bagama’t nagmintis ang dalawang free throws ni P.J. Tucker, nakuha naman nito ang bola kalaunan at na-foul ulit.

Sa pagkakataong ito naipasok niya ang dalawang shots upang iangat sa 96-93 ang Rockets.

Nasupalpal ni Harden ang tira ni Rudy Gobert sa sunos na possession ng Utah at kumonekta ng dalawang free throws upang selyuhan ang kanilang tagumpay.

Sumandal naman ang Utah kina Royce O’Neal na umiskor ng 18 points mula sa bench, at si Rubio na may 17 points.

Mistulang inalat din ang Utah makaraang magtala lamang ng siyam sa 38 pagtatangka mula sa 3-point line.