-- Advertisements --

Nabingwit ng Houston Rockets ang huling ticket patungong Western Conference semifinals makaraang malusutan nila ang Oklahoma City Thunder sa do-or-die Game 7 ng kanilang first round series, 104-102

Nagsanib puwersa para sa Rockets si Robert Covington na nagpakawala ng 21 points at 10 rebounds, at si Eric Gordon na nagtala ng 21 points.

Hindi naman nagbunga ang 30 points ni Luguentz Dort, maging ang triple-double na 19 points, 11 rebounds at 12 assists ni Chris Paul para sa Thunder.

Pumalya ang Oklahoma na makapuntos sa huling segundo ng regulasyon upang maitabla ang laro na naging rason para umabanse na sa susunod na round ang Houston.

Nagawa pang makalamang ng Thunder sa kalagitnaan ng final canto pero agad ding bumawi ang Houston para tangayin ang kalamangan.

Bunsod nito, makakasagupa ng Houston sa second round ng playoffs ang Los Angeles Lakers.

Sinabi ng Lakers, alam nilang hindi basta-bastang koponan ang Rockets kaya magiging seryoso sila sa kanilang semifinals showdown.

Ayon kay Lakers superstar LeBron James, nakapagpahinga na raw nang kaunti ang koponan at handa na sila sa susunod na laban.