-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Pinawi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang pangamba ng publiko sa tila tumataas na rockfall events sa bulkang Mayon sa nakalipas na mga araw.

Ayon kay Phivolcs resident volcanologist Dr. Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang pagdausdos ng mga bato mula sa bulkan ay posibleng galing sa lava dome na naiwan noong 2018 eruption.

Mas dumami lang aniya ito dahil sa mga pag-ulan na naranasan sa lalawigan sa nakalipas na mga araw.

Nagpaalala rin ang opisyal na unstable ang lava dome kaya hindi inaalis ang posibilidad na mabitak ang ilang bahagi nito at dumausdos sa mga danger zones.

Samantala, sinabi naman ni Alanis na normal naman ang ilang parametro na binabantayan tulad na lamang na sulfur dioxide na mababa ang ibinubuga habang paminsan-minsan lamang aniya nadi-detect ang mga volcanic eartquake.

Nangangahulugan umano ito na walang bagong magma na umaakyat subalit patuloy pa rin na pinag-iingat ang publiko.