Handa umanong maging state witness si Rodel Jayme kung aalukin ito ng pamahalaan na tumestigo laban sa mga naglabas ng “Ang Totoong Narcolist” na nagdadawit sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa illegal drug trade.
Sa press conference sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI), nanindigan si Jayme na wala siyang kasalanan sa pagpapakalat ng video kayat puwede siyang maging state witness.
Aniya, noon daw kasing nagkabayaran sila ay binigyan niya ng full access sa website si Nguyen kayat sigurado si Jayme na si Maru Nguyen ang nag-upload sa video.
Tumanggi naman munang magsalita si Jayme kaugnay sa mga sangkot sa pag-upload ng video sa ginawa niyang website na Metro Balita.
Pero aminado itong ang nagpagawa sa website na si Nguyen ay supporter ng Liberal Party (LP) na nakasama niya noon sa mga sortie ng partido sa pangangampanya noong 2016.
Napagkasunduan daw nila ni Nguyen na ang naturang website ay gagamitin lamang nila para i-upload ang mga magagandang gawain ng sinusuportahan nilang kandidato.
Si Jayme ay humaharap sa ngayon sa kasong inciting to sedition sa Department of Justice (DoJ).