-- Advertisements --
Video grab on YouTube

Pormal ng kinasuhan ng Department of Justice (DOJ) ang may-ari ng website kung saan lumutang ang kontrobersyal na videos ng nagpakilalang alyas Bikoy.

Nitong umaga nang ihain ng DOJ prosecutors sa Paranaque Regional Trial Court ang kasong inciting to sedition kay Rodel Jayme.

Naniniwala ang mga Justice panel na may personal knowledge ang mga agent ng National Bureau of Investigation hinggil sa mga krimeng nagawa ng akusado.

Una ng sinabi ng DOJ Panel of Prosecutors na malinaw na motibo ni Jayme na dungisan ang pamahalaan nang likhain nito ang MetroBalita.com.

Ito’y matapos mabatid na lumutang dito ang mga videos na nagdadawit sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa iligal na droga.

Dumepensa naman ang inquest prosecutors at sinabing valid ang pag-aresto nila kay Jayme kamakailan.

Bukod kay Jayme, kinasuhan ng DOJ ang ilan pang mga John at Jane Does na kasabwat umano ng akusado sa pagpapakalat ng “Ang Totoong Narcolist” video.

Posibleng maharap sa anim hanggang 12 taong pagkakakulong ang mga kinasuhan sakaling mapatunayang guilty ng korte.

Itinakda nama ng DOJ sa P36,000 ang piyansa ni Jayme para sa kaso.