Kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga legal na kinatawan ni Bise Presidente Sara Duterte sa petisyong inihain sa Korte Suprema upang hadlangan ang kanyang impeachment.
Batay sa kopya ng petisyon, kabilang din sa mga abogado ni VP Duterte ang kanyang biyenan na si Lucas Carpio Jr. at ang ilang pang law firm.
Naghain ng petition for certiorari and prohibition si VP Duterte noong Pebrero 18, kasama ang agarang kahilingan para sa temporary restraining order (TRO) at writ of preliminary injunction upang pigilan ang Senado sa pagsasagawa ng impeachment trial.
Hiniling din sa Korte Suprema na maglabas ng pinal na kautusan upang ipawalang-bisa ang ikaapat na impeachment complaint na inaprubahan ng Kamara noong Pebrero 5, kung saan 215 mambabatas ang lumagda sa reklamo.
Ang petisyon ni VP Duterte ay hiwalay pa sa naunang petisyong isinampa ng isang grupo ng mga abogado mula sa Mindanao noong parehong araw.