CAGAYAN DE ORO CITY – Direktang humingi kay Pangulong Rodrigo Duterte si Deputy House Speaker at Cagayan de Oro 2nd District Rep Rufus Rodriguez ng higit P700-M pondo upang maipamigay sa mga apektadong pamilya na kasalukuyang naka-enhanced community quarantine (ECQ) sa Cagayan de Oro City.
Ito ay matapos sinulatan ni Rodriguez si Duterte na bigyang prayoridad na financial assistance ang kanyang mga kababayan na naiipit ng ECQ bunsod ng limang kompirmadong kaso ng COVID-19 ‘delta variant’ sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ng mambabatas na nakasaad sa kanyang liham na kailangang mabigyan ng tig-P6,000 cash assistance ang kada-pamilya upang mayroong pangtustos sa kanilang pangangailangan sa loob ng dalawang linggo ng ECQ.
Sinabi ni Rodriguez na sa higit 700,000 registered voters o tinatayang nasa sobra 130,000 pamilya na kasulukuyang nakatira sa syudad ay hindi lalagpas sa P780-M ang pondo na kakailanganin.
Dagdag nito na may sapat na basehan ang pagbibigay financial support para sa mga residente na naka-ECQ dahil nakasaad ito sa naipasang batas ng Bayanihan to Heal as One Act.
Nilinaw rin ng kongresista na kabilang sa kanyang sinulatan ay si DSWD Secretary Rolando Bautista para sa katulad na layunin.
Magugunitang una nang tiniyak ng DSWD 10 na naka-standby na ang kanilang 20,000 food packs para sa mga residente ng syudad at maging Gingoog City, Misamis Oriental na kapwa nagka-ECQ dahil sa presensiya ng anim na Delta variant virus.