Planong rebisahin ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang Training Values school sa Subic, Zambales, kung saan isasailalim sa rehabilitasyon ang mga pasaway na pulis lalo na yaong maaari pang mabigyan ng ikalawang pagkakataon.
Ayon kay PNP spokesperson S/Supt. Benigno Durana, kanilang ipapatupad ang bagong istratehiya ng internal cleansing na kinabibilangan ng preventive, punitive at restorative approches.
Sa ilalim ng preventive approach, may mga hakbang silang ipapatupad para mapigilan na may pulis na masasangkot sa anumang katiwalian.
Kabilang dito ang pagsasagawa ng striktong background investigation sa mga police applicants pa lamang.
Sa restorative approach naman, isasalang sa spiritual cleansing ang mga pulis na dating naiulat na gumagawa ng katiwalian ngunit handang magbagong buhay.
Habang sa punitive approach, siguradong mapaparusahan ang mga mapapatunayang sangkot sa iba’t ibang criminal activities.
Karamihan sa mga pasaway na pulis na iniharap kay Pangulong Rodrigo Duterte kagabi ay mula sa National Capital Region Police Office at ilan sa Region 3 at Region 4A.
Hindi pa naman masabi ng PNP kung idedeploy sa Mindanao ang nasa halos 100 pulis na pinagalitan ng Pangulo.