Nagapi ng Polish teenager na si Iga Swiatek si American tennis star Sofia Kenin upang tanghaling pinakabatang kampeon sa women’s French Open sa loob ng halos 30 taon.
Ang 19-year-old na si Swiatek, na lowest-ranked woman na nakadagit ng Roland Garros title sa modernong panahon, ay tinalo ang kanyang kalaban 6-4, 6-1 para iuwi ang unang Grand Slam singles title ng kanilang bansa.
“I don’t know what’s going on. It’s overwhelming for me, it’s crazy,” wika ni Swiatek matapos ang kanyang tagumpay.
“Two years ago, I won a junior Grand Slam [at Wimbledon] and now I’m here. It feels like such a short time.”
Si Swiatek ang pinakabatang nagwagi sa women’s French Open mula pa sa noo’y 18-anyos na si Monica Seles noong 1992.
Siya rin ang unang teenage champion buhat kay Iva Majoli noon 1997.
“It’s crazy for me because I watched Rafael Nadal lift the trophy every year and now I’m in the same place,” ani Swiatek.
Maliban dito, si Swiatek din ang ikalawang unseeded women’s Roland Garros champion sa Open era, sunod kay Jelena Ostapenko na ginulat ang lahat nang ibulsa ang kampeonato tatlong taon na ang nakalilipas.
Si Swiatek ang ikasiyam na first-time major champion sa loob ng nakalipas na 14 Grand Slams.
Nagpaabot naman ng kanyang pagbati si Kenin, na isang Australian Open champion, sa kanyang katunggali.
“I just want to congratulate Iga on a great tournament and a great match. You played really well,” sambit ni Kenin. (Al Jazeera)