Mas mababa ang babayaran ng mga sambahayan para sa liquefied petroleum gas (LPG) ngayong Mayo.
Ito ay kasunod ng anunsiyo ng mga kumpanya nitong Martes sa kanilang ikalawang sunod na buwang rollback para sa LPG.
Sa isang advisory, sinabi ng Petron Corp. na tatapyasan ang presyo ng LPG ng P1.15 kada kilo, o P12.65 para sa bawat 11-kilogram na cylinder tank na ipinatupad mula kaninang 12:01 ng umaga ngayong Miyerkules, Mayo 1, 2024.
Sinasalamin nito ang international contract price ng LPG para sa buwan ng Mayo.
Sa pinakahuling datos mula sa Department of Energy (DOE), nagpapakita na ang mga presyo ng 11-kilogram na cylinder sa Metro Manila ay mula P830.00 hanggang P1,068.00 para sa buwan ng Abril.
Noong unang bahagi ng nakalipas na buwan, nag-anunsyo rin ang Petron ng P1-rollback kada kilo ng LPG kasunod ng pagtaas ng presyo na ipinataw noong Marso.