Inaasahang muling ipapatupad ang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director III Rodela Romero, base sa 4-day trading, tinatayang magkakaroon ng rollback sa gasolina na P0.20 hanggang P0.45 kada litro.
Sa diesel naman, inaasahang magkakaroon ng tapyas na P0.50 hanggang P0.70 kada litro.
Habang sa kerosene naman, tinatayang nasa P0.60 hanggang P0.70 kada litro ang magiging bawas.
Ilan sa mga nakikitang nakaambag sa panibagong rollback ang inaasahang tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Gaza, hindi katiyakan sa pagbabawas ng interest rate sa Amerika at pagtaas ng oil stocks o imbentaryo ng US.
Inaasahan naman na iaanunsiyo ng mga kompaniya ng langis ang magiging pinal na paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo at ipapatupad sa araw ng Martes.