Pumalo sa mahigit P5-bilyon ang iniwang pinsala ng paghagupit ng mga Bagyong Rolly at Ulysses sa mga paaralan at learning materials sa mga lugar na sinalanta ng naturang mga sama ng panahon.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones, umabot sa P4.8-bilyon ang iniwang pinsala ni Rolly, habang pumalo sa P800-milyon naman ang danyos kay Ulysses.
Kabilang sa mga assets na nasira sa paghagupit ng nasabing mga bagyo ang mga school laboratories, mga library, at gadgets.
Pero ayon kay Briones, patuloy pa ang kanilang pagberipika sa nasabing halaga sa pakikipagtulungan nila sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, at sa iba pang mga kinauukulang ahensya.
Sinabi pa ng kalihim na dahil sa walang face-to-face classes ngayon, nabawasan daw ang “physical harm” ng mga bagyo sa mga guro at estudyante.
Sa kasalukuyan, 345 na mga paaralan ang ginagamit bilang mga evacuation centers, na nagkakanlong ng mahigit sa 33,000 mga indibidwal.
Nagpaalala naman ang opisyal na dahil may mga eskwelahang ginagamit bilang quarantine facilities para sa mga COVID-19 patients, dapat na mag-ingat ang mga lokal na otoridad para hindi maihalo ang mga evacuees at mga pasyente.
“Kailangan hindi paghaluin. Kung mayroong quarantine dapat i-avoid natin na gagamitin ang same school as evacuation center,” ani Briones.