-- Advertisements --

Iginiit ni Philippine Olympic Committee (POC) president Joey Romasanta na wala umanong kontrol ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) Foundation, Inc. sa pagsasagawa ng 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Ayon kay Romasanta, sila raw ang siyang may hawak ng franchise ng Games, dahilan upang ituring ang POC na siyang karapat-dapat na mag-organisa ng biennial meet.

Giit ni Romasanta, dapat daw ay sa kanila magmumula ang lahat ng mga desisyong may kaugnayan sa SEA Games dahil mayroon daw silang kapangyarihan galing sa SEA Games Federation Council, Olympic Council of Asia at sa International Olympic Committee na magsagawa ng malalaking international tournaments sa bansa.

“We are the franchise-holder of the Southeast Asian Games here in the country so we have all the rights to organize it in accordance to the mandate given to us by the Southeast Asia Games Federation Council,” wika ni Romasanta.

Noong 2017 nang italaga ni dating POC chief Jose “Peping” Cojuangco si Alan Peter Cayetano bilang chairman ng isang ad hoc committee na siyang magpapatakbo sa Palaro.

Pero nang palitan ni Ricky Vargas si Cojuangco bilang POC president kasunod ng halalang iniutos ng korte noong 2018, na-incorporate ang ad hoc committee sa isang foundation kung saan sina Vargas, POC secretary general Patrick Gregorio at POC communications director Ed Picson ang kumakatawan sa POC.

Ang PHISGOC Foundation din ang gumawa ng ilan sa mga trabaho ng POC, gaya ng pagpili ng official mascot ng Games, official logo, at official theme, maging ang pagpasok sa mga kasunduan sa mga suppliers at contractors na walang pahintulot ng POC board.

Una rito, iginiit ni Cayetano na ang PHISGOC at PHISGOC Foundation ay iisa lamang.

Sinabi ni Cayetano, nananatili ang PHISGOC na tanging opisyal na organizing committee ng ika-30 edisyon ng SEA Games.

“The mandate of PHISGOC to organize the Philippines’ hosting of the 30th SEA Games is vested by law and imbued with public interest,” saad sa pahayag. “It’s designation as the official organizing committee cannot be revoked by any public party.”

Dagdag pa ni Cayetano, mag-iiwan lamang daw ng pagdududa at pagkabahala sa panig ng mga sponsors at private sector partners ang balak na pag-take over ng ibang partido sa organisasyon ng palaro.

“Verily, all talks about any other party taking over the organization of the Games unnecessarily create a cloud of instability and uncertainty, causing extreme apprehension on the part of the Games’ sponsors and private sector partners,” dagdag nito.