-- Advertisements --

Hinimok ni House Speaker Martin Romualdez ang mga Pilipino na itakwil ang takot, dibisyon at pagtatalo/salungatan sa gitna ng nagpapatuloy na girian sa pulitika kasabay ng pagdiriwang ng ika-161 Bonifacio day ngayong Sabado, Nobiyembre 30.

Sa ipinaabot na mensahe ng House Speaker, sinabi niya na kasabay ng pag-alala sa katapangan at mga sakripisyo ng bayaning si Gat Andres Bonifacio, ang Ama ng Himagsikan, ipinapaalala nito sa atin ang mahalagang papel ng integridad, pagkakaisa at pananagutan para sa nation-building.

Aniya, nanindigan si Bonifacio laban sa paniniil at pagkakahati, napagtagumpayan higit sa lahat ang mithiin ng kalayaan, katarungan at kapakanan ng mamamayang Pilipino.

Sa panahon aniya na humaharap tayo sa mga hamon, kung saan sinusubok ang mga prinsipiyo ng demokrasiya at mabuting pamamahala, hinimok ni Romualdez ang bawat isa na humugot ng inspirasyon mula sa katapangan ni Bonifacio at hindi natitinag na paninindigan sa katotohanan. Isang paalala din aniya ang buhay ni Bonifacio na ang tunay na lider ay nangangailangan hindi lamang ng kalakasan kundi paggalang para sa ibang tao at malalim na pagpapahalaga sa responsibilidad para itaguyod ang higit na makakabuti para sa lahat.

Hinikayat din ni Romualdez ang mga Pilipino na magkaisa nang may diwa ng Bayanihan para sa isang nasyon na may kapayapaan, hustisiya at kaunlaran para sa lahat.

Hinimok din nito ang lahat na bigyang pugay ang ala-ala ni Bonifacio sa pamamagitan ng pagprotekta sa demokrasiya at kalayaang kaniyang ipinaglaban nang buong tapang para ito ay makamit.