Suportado ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang plano ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magtatag ng isang unified Person With Disability (PWD) ID system upang masawata ang paggamit ng pekeng PWD ID.
Hinimok din ni Speaker Romualdez ang pagtiyak na mabilis na maipapatupad ang plano upang mawakasan na ang pandaraya gamit ang mga pekeng PWD iD na magbabalik sa tiwala ng publiko, at mga negosyo sa batas na nagbibigay ng diswento sa mga PWD.
Binigyang-diin ni Romualdez na ang pinag-isang PWD ID system ay dapat na secure, episyente, at hindi basta-basta magagaya para masugpo ang malawakang paggamit ng mga pekeng ID, na nakakasira ng tiwala sa programa at nagdudulot ng dagdag napabigat sa mga mga lehitimong persons with disabilities.
Ikinalungkot ng Speaker ang naidulot na tensyon ng talamak na paggamit ng mga pekeng PWD ID sa pagitan ng mga negosyo at mga lehitimong PWD kung saan maraming mga establisyimento ang nakakaranas ng pagkalugi dahil kanilang sinasalo ang bawas sa bayarin ng mga PWD.
Apektado rin umano ang mga lehitimong PWD na naiipit sa mahigpit na pagsusuri at kailangan pang bigyang-katwiran ang kanilang hindi pisikal na kapansanan sa tuwing susubukan nilang mag-avail ng mga benepisyong nararapat sa kanila.
Ikinatuwa ni Romualdez ang inisyatiba ng DSWD na magkaroon ng isang pinag-isang ID system na may pinahusay na seguridad, tulad ng RFID, na repormang matagal na aniyang ipinatupad sa ilang lugar.
Para mapanatili ang integridad ng PWD ID system, itinutulak ni Romualdez ang dagdag na security measure gaya ng QR code mga tamper-proof na verification feature, na naipatupad na ng ilang mga local na pamahalaan para labanan ang pamemeke.
Nanawagan din siya para sa mabigat na parusa laban sa mga indibidwal at sindikato na sangkot sa paggawa at paggamit ng pekeng PWD ID.
Sabi pa ni Speaker Romualdez naghahanda ng katuwang na lehislasyon ang Kamara de Representantes para matiyak ang nationwide standardization ng PWD ID issuance, mas mahigpit na validation protocols, at mas mataas na parusa para sa mga manloloko.
Tiniyak ni Romualdez sa publiko ang buong suporta ng Kongreso sa DSWD at lokal na mga pamahalaan upang matiyak ang mabilis at epektibong paglulunsad ng bagong sistema.
Nanawagan din siya sa sambayanang Pilipino na itaguyod ang integridad at tanggihan ang tukso na pagsamantalahan ang mga programa ng gobyerno para sa pansariling kapakanan.
Sabi pa ni Romualdez na hindi na dapat magtiis ang mga lehitimong PWD sa abalang dulot na patotohanan ang kanilang mga kapansanan sa tuwing kukunin ang kanilang mga nararapat na benepisyo.