Asahan na umano ang pagkakaroon ng mas masigla, maagap at may pananagutang pamahalaan sa ilalim ng “Alyansa Para sa Bagong Pilipinas,” ang kasunduang nilagdaan ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) at Partido Federal ng Pilipinas (PFP).
Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, pangulo ng Lakas-CMD na mayroong 100 miyembro sa Kamara de Representantes.
Sa pagpasok sa kasunduan ng Lakas-CMD at PFP ay nagsilbing panauhing pandangal si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., chairman ng PFP, sa event na ginanap sa Makati City.
Iginiit pa ni Speaker Romualdez na ang pagsasanib ay hindi lamang alyansa sa pagitan ng partido; kundi ay kumakatawan sa magkakasamang hangarin tungo sa kaunlaran at kabutihan ng bawat mamamayang Filipino at ang simula ng bagong pamamahala na ang pundasyon ay pinalakas ng integridad, pagiging bukas para sa lahat, may pananagutan at walang maiiwanan.
Binigyan diin pa ng mambabatas na ang alyansa ay naka-angkla sa mga inisyatibo at estratehikong direksyon sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Marcos Jr., sa pagsisikap na maipatupad ang mga polisiya na magpapalakas sa ating ekonomiya, pagpapabuti ng mga imprastraktura, at maiangat ang pangkalusugan at sistema ng edukasyon.
Ang pagsasama ng dalawang partido pulitikal, ayon pa sa mambabatas ay bubuo sa pinaka makapangyarihan pwersa sa pulitika sa bansa sa kasalukuyan.
Kabilang dito aniya, ang dalawang kilalang senador, mayorya ng bilang ng mga mambabatas sa Kamara ang nakiisa sa kanilang hanay, kasama rin ang hindi mabilang na gobernador, alkalde ng mga munisipyo at lungsod, maging ang mga miyembro ng sangguniang panlalawigan, at mga konsehal ng lungsod at bayan mula sa buong bansa.
Ipinaalala naman ni Speaker Romualdez sa mga kasapi ng alyansa ang malaking hamon na naghihintay, na kakaharapin ng magkakasama ng may higit na pag-asa at determinasyon sa mga oportunidad na kaakibat nito.
Inanyayahan din ng mambabatas ang kanyang mga kasamahan, maging ang mga hindi kaaanib ng alyansa, o mga tagasuportang nagmamasid, na makiisa at mag-ambag sa magandang layunin ng pagkakaisa.