Inihirit ni dating presidential spokesperson Harry Roque sa panel of prosecutors ng Department of Justice na palawigin ang deadline ng paghahain nito ng counter-affidavit.
May kaugnayan ito sa kasong kinakaharap niya na qualified human trafficking dahil sa operasyon ng iligal na POGO operation sa Porac, Pampanga.
Sinabi ni DOJ Spokesperson Mico Clavano na hindi nakadalo at nakapagsumite ng counter-affidavit si Roque sa itinakdang preliminary investigation sa DOJ nitong Nobyembre 29.
Sa halip aniya ay humirit ang abogado nito na paliwigin ang pagsusumite at tinitiyak nila na isasagawa ito sa Disyembre 3 sa araw ng Martes.
Hindi ikinaila ng DOJ na sa pagsumite ni Roque ng kaniyang counter-affidavit ay matutunton dito ang kaniyang kinaroroonan.
Malalaman kasi kung saang lugar ito nagsubscribe at kung wala itong maihain ay mayroon rason sila na nakaalis na nga sa bansa si Roque.
Magugunitang ipinag-utos ng House of Representative na arestuhin si Roque dahil sa contempt.