-- Advertisements --

Hindi pa nagsumite si dating presidential spokesperson Harry Roque ng kanyang counter-affidavit sa qualified trafficking complaint na inihain laban sa kanya sa Department of Justice (DOJ) matapos na no show ito o hindi dumalo sa isinagawang preliminary investigation nitong Lunes, Nobiyembre 18.

Sa isang panayam sa DOJ, sinabi ni prosecutor Eugene Yusi na naabisuhan na si Atty. Roque kaugnay sa preliminary investigation at sa reklamo laban sa kanya.

Paliwanag ng piskal na kung mabibigo si Roque na humarap o makibahagi sa paunang pagsisiyasat, reresolbahin ang reklamo batay sa ebidensyang nakalakip sa reklamo.

Subalit ayon naman kay Atty. Roque, hindi pa umano niya natatanggap ang kopiya ng reklamo at wala aniyang summon mula sa DOJ.

Nag-ugat ang naturang reklamo laban kay Roque matapos maghain ang mga awtoridad noong Oktubre ng supplemental complaint affidavit laban sa dating presidential spokesman kung saan isinama siya sa inisyal na trafficking complaint laban kina Cassandra Li Ong, ang authorized representative ng sinalakay na POGO hub na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga at iba pa.

Subalit nauna naman ng itinanggi ni Roque ang naturang akusasyon laban sa kaniya.