Naniniwala si Senador Sherwin Gatchalian na sa pamamagitan ng programang Reserve Officers Training Corps (ROTC) ay matuturuan ng disiplina at pagiging matatag ang mga kabataan lalo na sa gitna ng hamon na kinahaharap ng ating bansa pagdating sa seguridad.
Ito ang naging pahayag ni Gatchalian, isa sa mga nagsusulong ng Senate Bill No. 2034 o Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Act.
Samantala, batay sa isang Pulse Asia Survey, karamihan sa mga Pilipino, o 69%, ang sumusuporta sa mandatory Reserve Officers’ Training Corps sa mga kabataan.
Malinaw aniya ang boses ng publiko pagdating sa panukalang ipatupad ang ROTC sa bansa.
Ayon sa isinagawang survey noong Disyembre 3 hanggang 7 at kinomisyon ni Senate President Juan Miguel Zubiri, pinakamataas ang suporta sa pagpapatupad ng mandatory ROTC mula sa Mindanao (79%), kasunod ng Visayas (74%), National Capital Region (67%), at Balance Luzon (63%).
Binalikan ni Gatchalian ang resulta ng isa pang Pulse Asia survey na kinomisyon niya noong nakaraang taon, kung saan lumabas na 78% ng mga kalahok sa buong bansa ang nagsabing pabor sila sa pagpapatupad ng ROTC sa kolehiyo. Isinagawa ang naturang survey noong Marso 15 hanggang 19, 2023.
Layunin ng panukalang batas na gawing institutionalized ang mandatory Basic ROTC Program sa mga Higher Education Institutions (HEIs) at Technical Vocational Institutions (TVIs) para sa lahat ng mga mag-aaral na naka-enroll sa hindi bababa sa dalawang taong undergaduate degree, diploma, o mga certificate program.
Inaasahan ng Chairperson ng Committee on Basic Education ang pagbibigay prayoridad sa panukalang batas sa pagbabalik ng sesyon ng Senado sa Mayo.