Pulitika ang nakikitang motibo ng Philippine National Police (PNP) sa pananambang sa grupo ni San Fernando Mayor Lakambini Reluya sa Talisay, Cebu nitong Martes ng gabi.
Ayon kay PNP chief Oscar Albayalde, batay sa naging pahayag mismo ng alkalde kay Police Regional Office (PRO)-7 Director, C/Supt. Debold Sinas na pulitika ang nakikita nitong dahilan sa insidente.
Pero ayon kay Albayalde, aalamin pa rin ng binuong Special Investigation Task Group-(SITG) ang puno’t dulo ng insidente.
Dalawang linggo ang timeframe na ibinigay ni Albayalde sa provincial Director ng Cebu at chief of Police ng Talisay City upang resolbahin ang kaso ng ambush sa grupo ni Mayor Reluya.
Sinabi rin ng hepe ng pulisya na kapag walang mangyari sa kaso sa loob ng nasabing panahon ay masisibak sa puwesto sina S/Supt. Manuel Abrugena bilang provincial director at si P/Supt. Marlu Conag bilang hepe ng Talisay PNP.
Sa record ng Commission on Elections, one-on-one ang labanan sa pagka-alkalde ng San Fernando, Cebu kung saan isang Ruben Feliciano ang katunggali ng kasalukuyang mayor sa darating na midterm elections.
Ipinagutos na rin ni Albayalde kay Sinas na bigyan ng round the clock security si Mayor Reluya.