Nagbigay paalala ang isang election lawyer na si Atty. Julia Elenita Tabangin-Capuyan sa publiko pagdating sa kakasimula pa lamang na mga COMELEC checkpoints at gun ban para sa halalan. Ang naturang checkpoints at ban ay pinamumunuan ng poll body, pambansang kapulisan at iba pang ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Atty. Julia Elenita Tabangin-Capuyan, tatlo ang ipinagbabawal sa ilalim ng gun ban ng komisyon. Una ay ang paggamit ng baril sa labas ng tirahan kahit na ito pa ay lisensyado, kailangan itong kuhanan ng certificate of exemption. Pangalawa, ang pagkakaroon din ng mga body guards o security detail ay kailangang ipagbigay-alam sa komisyon. At ang panghuli, ipinagbabawal din ang pagtransport ng mga explosives, ammunitions, o mga controlled chemicals.
Aniya, ito ay isinasagawa dahil maari itong magamit sa ibang pakay o sa mga election-related violence. Sa kasalukuyan, dalawa ang kakaharapin ng sino mang lumabag dito, election offense at batas pagdating sa mga firearms.
Kaugnay pa nito, binigyang-diin niya na dapat tandaan ng mga motorista na visual search lamang ang maaaring gawin sa kanila sa mga inspeksyon sa COMELEC checkpoints. Ito ang routinary at non-intrusive search o ibig-sabihin ay kailangan lamang buksan ang ilaw ng sasakyan at ibaba ang bintana.
Matatandaan na nitong Enero 12 pinasimulan ang election period kung saan nakapaloob dito ang pagpapatupad din ng COMELEC checkpoints at gun ban at inaasahan itong matatapoo sa Hunyo 11 ng kasalukuyang taon.