ROXAS CITY – Natanggap na ng Bombo Radyo Roxas ang kopya ng inaprubahang resolusyon ng Roxas City Council na nagbibigay komendasyon sa matagumpay na Bombo Medico 2019 na isinagawa sa Capiz Gymnasium – Villareal Stadium.
Nabatid na author ng naturang resolusyon si City Councilor Midelo Ocampo.
Sa naging privilege speech ni Ocampo sa kanilang regular session, inirekomenda nito ang pagpapatibay ng isang resolusyon upang bigyan ng komendasyon ang Bombo Radyo at Star FM Roxas na kalauna’y pinaboran din ng konseho.
Sa kaniyang mensahe, pinuri ni Ocampo ang naturang aktibidad kung saan ang Bombo Medico ay namahagi ng libreng gamot para sa mga may karamdaman, libreng bunot ng ngipin at marami pang mas pinalawak na mga serbisyo para sa mga kapuspalad.
Malaki aniya ang naitulong nito sa dami ng hinaharap na problema ngayon ng lungsod ng Roxas.
Ayon pa sa konsehal na sa kabuuang 6,700 na benepisyaryo ng naturang aktibidad, halos 70 porsyento nito ay pawang residente ng lungsod.
Pinuri rin nito ang kasamahan sa konseho na si city councilor Dr. Cesar Yap Jr. na isa sa mga doktor na nagbigay ng libreng serbisyo sa Bombo Medico.