Todo na ang paghahanda ng buong United Kingdom para sa libing ni Prince Philip, Duke of Edinburgh.
Nasa 30 katao lang kasama na ang miyembro ng royal family ang maghahatid sa kaniya patungong Windsor Castle, kung saan siya ihahatid sa huling hantungan (9:30PM PH time).
Ngunit may gagawin munang silent funeral service ng royal standards sa St. George’s Chapel bago siya ilibing.
Nilimitahan man ng 30 ang bilang ng mga dadalo sa ceremony, nasa mahigit 700 military personnel naman ang magbibigay ng ceremonial support sa labas bilang pagkilala kay Prince Philip sa kaniyang military career.
Magsasanib-puwersa ang miyembro ng Royal Navy, Royal Marines, British Army at Royal Air Force.
Ano ang mangyayari sa funeral ceremony?
Bago ang seremonya, ang kabaong ni Prince Philip ay tatakpan ng kanyang personal na watawat, at ng kaniyang sword, naval cap at isang korona ng mga bulaklak na inilalagay sa itaas.
Ang labi ay dadalhin patungong St. George’s Chapel mula sa Windsor Castle sa pamamagitan ng isang prusisyon na pangungunahan ng Band of the Grenadier Guards.
Ang kabaong ni Prince Philip ay dadalhin ng jeepney o ang tawag ay modified Land Rover, na tinulungan niya sa pagdisenyo.
Bahagi rin daw ito ng kanyang mga kahilingan.
Sa gagawing prusisyon, nakasunod sa kabaong ni Prince Philip na maglalakad ang mga senior members ng pamilya na kinabibilangan nina Prince Charles, Princess Anne, Prince Andrew, Prince Edward, Prince William at Prince Harry kung saan silang lahat ay nakasuot ng civilian clothes.
Ilan din sa mga malalapit na aides kabilang na ang private secretary at personal protection officer nito ang kasama sa funeral march.
Samantala ang ilan naman sa mga kasama sa congregation gaya nina Camilla, the Duchess of Cornwall; Catherine, the Duchess of Cambridge; Princess Beatrice; Princess Eugenie, at iba pang family members ay darating sa simbahan na nakasakay ng sasakyan.
Ngunit, ang asawa ni Prince Harry naman na si Meghan, the Duchess of Sussex ay hindi dadalo sa libing dahil sa kaniyang pagbubuntis na nasa Amerika.
Hiwalay naman na makakarating si Queen Elizabeth sa kapilya, kung saan hihintayin niya ang kabaong ni Prince Philip.