PASAY CITY – Tiwala si 1996 Atlanta Olympics boxing silver medalist Mansueto “Onyok” Velasco Jr., na kakayanin nang sumabak sa Olimpiyada ng karamihan sa mga boksingero sa bansa na kasalukuyang naglalaro sa 30th Southeast Asian Games.
Personal na pinanood ni Velasco ang laban ng limang mga Pinoy sluggers sa semifinals ng kanilang laro kahapon sa PICC Forum, Pasay City kung saan pawang umabanse na ang mga ito sa finals at lalaban para sa gintong medalya nitong araw.
Humanay sila sa limang iba pang mga boksingero ng bansa na nauna nang tumuntong sa final round ng kumpetisyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines, sumang-ayon si Velasco na pang-Olympics na ang kalibre ng mga Pinoy boxers sa ngayon dahil sa ipinapakita nilang husay sa labanan at sa magandang suporta na kanilang natatanggap.
Pinayuhan din ng dating light-flyweight boxer ang mga atleta na magkaroon ng tamang disiplina upang maabot ang kanilang mga pangarap na makarating sa olimpiyada.
Maipabatid na sa 10 mga Pinoy boxers na lalaban para sa gintong medalya mamayang hapon, dalawa sa kanila ang mga boxing Olympians na kumatawan sa bansa sa 2016 Rio Olympics sa Brazil.
Sila ay sina lightweight knockout artist Charly Suarez na isa na rin ngayong professional boxer at Rogen Ladon na tatangkaing maghari sa flyweight division sa Southeast Asia.
Samantala kumpiyansa si Velasco na hindi na papakawalan pa ng mga Pinoy boxers ang pagkakataon na makapagbigay karangalan sa bansa ngayong SEA Games 2019 at hahakot sila ng maraming mga gintong medalya. (Report by Bombo Donnie Degala)