May basbas na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Balikatan exercises para sa taong ito.
Ayon kay AFP Central Command chief Lt. Gen. Oscar Lactao na siya ring co-director ng Balikatan 2017 na aprubado na ng pangulo ang nasabing joint exercises ng AFP at U.S. forces.
Ito ay sa harap ng naunang pahayag ni Duterte na ayaw na niyang makakita ng mga sundalong Amerikano sa bansa.
Sinabi ni Lactao na aprubado ng commander-in-chief ang Balikatan ngayong taon sa ilalim ng ilang polisiya.
Kahapon ay ginanap ang opening ceremony ng joint exercises.
Pahayag ni Lactao, sinunod nila ang gusto ng pangulo na bigyang prayoridad ang humanitarian and disaster response at anti-terrorism activities dahil ito ang kailangan ngayon ng bansa.
Bagaman ang pangunahing papel ng AFP ay bigyang seguridad ang bansa, ipinaliwanag ni Lactao na hindi lamang sa giyera sila dapat naghahanda kundi maging sa mga sitwasyon bunsod sa epekto ng kalamidad.
Dagdag pa ni Lactao na pinag-uusapan na rin ngayon ang mga susunod pang Balikatan exercises.