NAGA CITY – Tinangay ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang mga shabu na gagamitin sanang ebidensiya sa Regional Trial Court Branch 33 sa bayan ng Pili, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt. Fatima Lanuza, tagapagsalita ng Pili Municipal Police Station, sinabi nito na nadatnan na lamang umano ng isang empleyado ng nasabing korte na nawawala na ang kandado nito at nang pumasok ito sa loob ay nakita nito ang nagkalat na mga kagamitan na inidikasyon umano na nilooban nga ang naturang korte.
Dagdag pa ni Lanuza, sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, pinaniniwalaang natangay ang mga ebidensiya kagaya na lamang ng shabu na nasa loob ng korte.
Kinumpirma naman ni Lanuza na maliban sa nasabing opisina ng korte, pinasok rin aniya ng mga magnanakaw ang mga opisina ng Branch 31 at 32 ng RTC.
Samantala, isa sa tinitingnang anggulo ng mga otoridad na posibleng ang mga droga sa loob ng korte ang tunay na motibo ng pagnanakaw ng mga suspek.
Sa ngayon, wala munang mangyayaring pagdinig sa mga kaso sa Regional Trial Court sa nasabing bayan mastapos itong ipasuspindi para bigyang daan ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad.