Pinayagan ng Regional Trial Court ng Capas, Tarlac Branch 109 si dismissed Bamban Mayor Alice Guo na humarap sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa mga ilegal na operasyon ng POGO sa tuwing kinakailangan siyang dumalo.
Ito ang ipinarating ni Presiding Judge Sara Vedaña-Delos Santos ng Tarlac court sa ipinadalang liham kay Senator Risa Hontiveros na may petsang Setyembre 10.
Nakasaad sa naturang sulat na bilang pagkilala ng korte sa kapangyarihan ng Senado na magsagawa ng inquiries in aid of legislation, papayagan nito si Guo Hua Ping alias Alice Leal Guo na maiharap sa Senado.
Hiniling naman ng hukom kay Sen. Hontiveros na magpadala ng paunang kahilingan upang maiwasan ang salungatan sa mga nakatakdang pagdinig ng korte sa kaso ni Guo.
Kasalukuyang nakakulong si Guo sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Quezon City matapos siyang magpasyang hindi magpiyansa kaugnay ng mga kasong graft na isinampa laban sa kanya sa korte sa Tarlac.